Isang maiksing kuwento ng kaganapan mula sa aking bagong trabaho.
Ako po ay nagtatrabaho sa clinic Emirates Airlines sa Dubai, ibat ibang lahi at may kanya kanyang shift. Karamihan ng admin personnel ay hanggang 4:30 pm lamang at panay medical staff, pharmacy at laboratory staff ang naiiiwan.
Isang araw ako ay pumunta sa filing section upang hanapin ang file ng aking pasyente. Madalas may filers sa loob na puwede mo mapag tanungan at matulungan ka mag hanap ng file. Itong araw na ito ay walang tao doon ni isa, kahit hindi marunong ay napilitan akong hanapin ang file sa mga rolling or sliding file cabinets. Dumating ang isang secretary at natuwa dahil naroon ako at may kasama siya. Sabi niya "I dont like being here alone, i can't stand it. Aren't you afraid?" nagtaka ako at sinagot "not really, why?", sabi niya naman "I'm afraid ill be crushed by those cabinets". Ako naman tumawa lang, pero nagtanong siya ulit "havent you hear about what happened to Mitch?", sabi ko "no, tell me." Dito na iikot ang maikling kwento.
Si Mitch (di tunay na pangalan) ay nagtatrabaho sa occupational health, siya ay nag aasikaso ng monitoring, referral at coordination ng appointments ng mga engineer, drivers at iba pang airport employees lalo na ang mayroong mga industrial injuries. Si Mitch ay madalas nakikita nakaupo sa waiting area tuwing paglipas ng oras ng kanyang trabaho na may kausap sa kanyang smartphone or may ka chat.
Isang hapon ay naisipan niyang magpaiwan sa loob ng opisina dahil mayroon pa siyang dapat asikasuhin. Lahat ng ka-opisina niya ay nagsiuwian na, ang buong clinic ay malapit narin magsara kaya naisipan niyang umuwi narin. Matapos niyang maligpit ang kaniyang desk at maitago ang mga papeles ay naisipan niyang tawagan ang kanyang asawa. Ang takbo ng usapan nila ay ang tipong maaasahan mo sa mag asawa meron konting hagikgik at minsan nama'y asaran. Bago pa matapos ang usapan nila ay may napansin si Mitch, parang may gumagalaw sa likod nito, akala niya ay guni guni lamang at hindi niya ito pinansin. Maya maya ay may nahagip ang kanyang mata na anino, nilingon nito pero wala paring nakita. Nagpatuloy ang kanilang usapan ng karaniwan ngunit di ito nag tagal. Naramdaman niyang may presensya sa kanyang likuran. Ramdam niya ang balahibo na tumatayo mula sa kanyang batok, Itoy parang nakatayo lamang sa likod nya, hindi niya mapaliwanag and nararamdaman. Marahil sa hindi na niya itong magawang lingunin ay nakaisip siya ng paraan, naisipan niyang buksan ang video chat. Pinikit niya ang kanyang mga mata, at dahan dahan itong inimulat. Napabuntung hininga siya noong nakita nya lamang ang sarili niya at walang ibang tao sa likod. Mukhang wala namang nahahalata ang kanyang asawa sa kabila linya. Halos nalimutan na ni Mitch ang pakiramdam na iyon, nagpatuloy ang video chat ng normal sa loob ng ilang minuto ngunit pagkalipas ng ilang saglit ay nabigla siya sa kanyang nakita sa kanyang screen, ang kanyang kinakatakot ay nagkakatotoo, siya ay napasigaw at umiiyak na tumakbo palabas ng kwarto. Rinig sa buong clinic ang hagulgol niya at kung tatanungin ang nakakakita ay malamang sasabihin nilang siya ay Hysterical at mukhang nasisiraan ng bait. Tumawag ng tumawag ang kanyang asawa pero hindi na niya ito masagot.
Ginawa ng staff ang lahat para ito ay mapatahan, hindi niya parin masabi kung anong nangyari. Makalipas ang ilang minuto ay napatahan narin siya. Nanumbalik siya sa kanyang pagkatino, at ikinuwento ang nangyari sa mga kasamahan. Matapos non ay umuwi na ito, pilit niyang kinakalimutan ang pangyayari. Saka na lamang nito napansin ang missed calls ng kanyang asawa nong pagbaba niya galing sa station ng tren. Agad niya itong tinawagan, humingi ng pasensya mula sa kanyang asawa habang namumuo muli ang luha sa kanyang mga mata. Ang unang sambit ng kanyang asawa ay "Anong nangyari? bakit naputol ang tawag? at bakit ka umiiyak?". Sagot naman ni Mitch "Eh kasi....*punas ng luha*.. may nakita ako habang naka on yung camera". "Anong bang nakita mo?" tanong ng asawa, "nong nag uusap tayo, may lalaking naglakad sa likod ko!" sabay iyak muli ni Mitch. Walang ibang maririnig sa linya ng halos kalahating minuto maliban sa mahinang iyak ni Mitch. Nagpaalam na si Mitch dahil malapit na ito sa bahay nila. Noong pag uwi ay pinag usapan nila ang nangyari at nung huli may sinabi ang kanyang asawa na nagdulot ng matinding kabog ng dibdib ni Mitch. "Ma, kanina habang kausap kita..... na..nakita ko rin yung lalaki dumaan sa likod mo". Nanlaki ang mata ni Mitch.