Sunday, September 15, 2013

Bisita sa Panaginip

Story By Shie
Panaginip ko ito noong nasa highschool pa ako. Ilang beses na paulit ulit akong nananaginip na may babaeng nakikipag usap sa akin, nakasuot siya ng dress na puti, at sa tuwing napapanaginipan ko siya naaalala kong bakas sa mukha nito ang panlulumo, hinagpis at pagdurusa at sa laging niyang sambit ay tulungan ko siya.
Lumipas ang mga araw ay di ko malimutan ang mga napapanaginipan ko. Pilit iniisip kung sino ang babae at kung ano ang nangyari sa kanya. Pilit kong iniisantabi ang alaala ng bisita kong iyon. Ngunit isang gabi naulit muli ang panaginip, ikatlong beses na napanaginipan ko ang babaeng iyon, ngunit kakaiba ang aking nadarama sa pagkakataong ito. Tila parang magaan ang aking pakiramdam, tumingin ako sa aking paligid at namalayan kong parang may pader sa aking harapan, hindi ko malaman kung nasaan ako at napansin na lamang na nakalutang pala ako sa ere. Muling lumapit ang babae, tumutulo ang luha, umiiyak at nagmakaawang tulungan ko daw sila. Nakatitig lamang ako sa babae, hindi ko maunawaan kung papaano ito tutulungan, kung sino siya at kung bakit ako ang kanyang nilalapitan. Maya maya’y itinuro niya ang direksyon pababa, nagulat ako at natakot sa aking nakikita, mayroong mga lalake sa ibabaw ng aking kama, tila may pinagkakaabalahan ang mga ito. Tinitigan ko nang mabuti at nakita ang babaeng humihingi ng tulong na nakahiga sa aking kama habang walang awang ginagahasa ng mga kalalakihan. Muli kong naramdaman ang taranta at takot, at maya’y hindi ko na makita ng husto ang aking paligid at ang mga pangyayari, parang lumabo ang aking paningin. Hindi ko malaman kung papaano pero namalayan kong tumatakbo na ako, sa bawat hakbang ay nararamdaman kong nasa peligro ang aking buhay, doon ko muli nakita ang babae, naka black overalls ito. Hindi ko alam kung bakit kami tumatakbo at noong napalingon ako nakita kong mayroong lima o anim na kalalalakihang humahabol sa amin. Bakas sa mga mukha nila ang mga ngisi, gigil, malisya at galit na makikita sa isang mamamatay tao. Sa unahan namin may natanaw akong lumang gusali, tumungo kami sa direksyong iyon at nauna na sa aking pumasok ang babae. Nilingon ko ang humahabol sa amin, nagulat akong halos nasa harap ko na sila mismo, napapaiyak na ako, di ko alam ang gagawin, kung manlalaban ba ako ngunit naroon na sila, napapikit na lamang ako at wala akong magawa kundi’y tanggapin ang kahihinatnan ko. Laking pagtataka ko nang dinaanan lamang ako ng mga ito, tila hindi nila ako pinapansin o nakikita. Nakita kong nakaakyat ang babae sa hagdan subalit nasa likod na niya ang mga kalalakihan. 
Naroon na lamang ako nakatayo sa ground floor, nakatitig, umiiyak at naninigas sa takot habang pinagmamasdan kong umakyat ang huling lalaki. Naririnig ko ang kaluskos at iyak nung babae, at doon ko na narinig ang tunog na umalingawngaw sa buong gusali, hindi ako magkakamaling sabihin na putok iyon ng baril at kasunod nito’y mga tinig ng sigawan na nasundan ng nakakabinging katahimikan. Hindi ko maipaliwanag ang takot na nadarama, hindi ko na magawang sumilip o sumunod sa kinaroroonan nila. Nagtagal ang katahimikan at lumakad ako papalapit sa bintana, noong matatanaw ko na ang labas ng gusali’y laking gulat ko na may bagay na nahulog galling sa itaas. Sinilip ko ito at doon ko naranasan na sumigaw ng sumigaw na tarangtang di mapaliwanag ang nararamdamang takot. Naroon ang katawan ng babae, nakahandusay, pugot ang ulo, kitang kita ang dugo na tumatagas sa lupa at tumalsik sa pader.
Pagkatapos nito ay ilang ulit pang bumisita ang babae sa aking panaginip, bawat pagkakatao’y humihingi ito ng tulong.
Maliban sa babae ay mayroon pa akong ibang mga bisita sa aking panaginip, isa na rito ang aking tito. Yung tito ko ay namatay sa isang aksidente. Pero sa aking panaginip nakikipagkuwentuhan na para bang nalilimutan ko na sa tunay na buhay ay namayapa na ito. Bakas sa mukha niya ang mga peklat, *dahil ang ikinamatay niyay nagulungan ng bus ang ulo niya sa aksidente*. Pagkatapos naming magkuwentuhan ay lumabas kami ng bahay dito na kami inabutan ng tita ko. Tinanong niya sa akin kung sino raw yung lalakeng kausap ko at sinagot “Si tito po”. Pansin sa mukha ni tita ang pagtataka at sabi “Ano kaba!! Patay na ang tito mo!!!”. Nagulat kami ng tito ko ng pareho at napatingin ako sa kanya ngunit bigla nalang ito naglaho mula sa aking panaginip.

Friday, August 2, 2013

Thermometer

Ang kwentong ito ay naganap sa Surgical ICU ng Ospital Ng Palawan (ONP).
3pm-11pm shift ako nang nangyari ito, sa loob ng ICU ay nag-iisa lamang akong duty.

Noong araw na iyon ay mayroon akong pasyenteng naaksidente sa motor, tawagin natin siyang RJ dahil sa confidentiality.
Noong unang mga araw ni RJ ay alanganin ang lagay niya, Hindi ito gumigising at napakataas ng lagnat, makalipas ng ilang araw ay bumuti narin siya. Namumulat na ang kanyang mata, at naigagalaw ang kanang kamay, ngunit nakakalungkot na hindi ito nakakapagsalita at nakakaintindi. Nakatingin na lamang si RJ sa kawalan na tinatawag naming doll eyes phenomenon marahil dulot ng brain damage.

Dahil gising na si RJ, pinayagan na ang mga kamag-anak na pumasok para bumisita sa ICU na naka gown at clean area slippers. Isa sa madalas niyang bisita ay ang girlfriend nyang na tatawagin nating si Dice. Si Dice ay umuwi pa galing Manila para lang makita ang kalagayan ng boyfriend nyang si RJ.

Noong araw na iyon, halos matatapos na ang duty ko, nung nagpaalam bumisita si Dice at siya naman ay hinayaan kong pumasok. Hinihikayat ko pa nga ang mga bisita na kausapin ang pasyente at laging nilang kwentuhan. Minsa'y tinutukso namin ito upang makapag elicit ng response at parang nagagalit nga ito pag umuungol, tila kahit papano ay iniisip ng kamag anak na naroon parin si RJ kahit papaano.

Noong pumasok si Dice ay nagsisimula narin akong mag take ng vital-signs ng pasyente. Si Dice ay naupo sa tabi ng kama at hinawakan ang kamay ni RJ. Maya maya ay napansin kong nakaidlip na si Dice. Habang nirerecord ko ang vital signs ay parang narinig ko kumalampag ang beside table ng bakanteng kama sa kabila na parang sinarado ang cabinet nito, hindi ito kalakasan kaya hindi ko ito pinansin, at nung sinilip ko ay nakasarado naman ang cabinet ng table.

Maya maya ay kumalampag itong muli, nagising na si Dice, napatingin siya sakin at napatingin ako sa kanya.
Naramdaman ko ang lumakas ang tibok ng aking puso dahil napaisip nako na hindi ko lang guni guni ito at tumunog na talaga ang cabinet. Tumayo ako mula sa silya, dahan dahan ako lumapit sa bakanteng kama para muli itong silipin. Malamig ang kwarto dahil sa air-conditioning, pero nararamdaman kong namumuo na ang pawis sa aking noo at ilong. Isang hakbang pa ay masisilayan ko na ang cabinet, at nang matanaw ay nakapagtataka na nakasarado parin ito. Napalunok ako at nilingon si Dice, Tila'y maiiyak na ito, kaya naglakas loob akong tumawa na lamang pero sa loob ay kinakabahan narin ako. Umatras ako at pumunta nalang sa tabi ni RJ, nakatingin parin si Dice sa akin at nagtanong, "Ano yon?".
Sumagot ako "Baka sa kabilang kwarto lang, ply wood lang kasi harang eh" sabay ngiti ako nang pilit.

Pilit ko itong wag nalang pansinin at napansing nakaligtaan kong kunin yung temperature ni RJ. Hinanap ko ng hinanap ang thermometer, pero hindi ko ito makita. Hinanap ko ito sa bedside table dahil doon namin ito palaging nilalagay . Tinanong ko si Dice kung nakita niya ito at umiling iling lamang siya. Naiinis nako sa kakahanap, hinaluglog ko nang lahat nang puwedeng mapagpatungan nito pero hindi parin namin makita. after 10 mins sumuko narin ako't, kumuha nalang ng ibang thermometer at kinuha na ang temperature ni RJ.
"Normal naman" sabi ko para mabasag narin ang katahimikan. Napatingin si Dice sabay sabi, "Halaaahhhhh." biro ni dice na tila nananakot ang tono. Ngumiti lamang ako at nirecord ang Vital Signs. Habang nirerecord ito ay hindi ko mapigilan isipin paano nawala ang thermometer, napapakamot narin ako baka mapagalitan ng senior ko kasi may nawawalang gamit.

Maya maya ay tila narinig ko si Dice na parang umiiyak, napatingin ako at tinanong "Oh, bakit?". Hindi ito nakapagsalita, tumayo at napaatras mula sa kama. Napaluha ito, nakatitig sa kama ni RJ. Tinignan ko ang cardiac monitor ni RJ at nakitang wala namang kakaiba. Lumapit na ako para tanungin si Dice, hindi siya nagsasalita at tinuro na lamang nito ang kama. Sabay sabi ko "Ha? Anong meron?", sinundan ko ang direksyon na tinuturo niya, at napahawak ako sa mattress, doon pumasok sa isip ko yung hilig ni Dice na ipasok ang paa niya sa ilalim ng mattress. Sinilip ko ang ilalim ng kama, Nanlaki ang mata ko at nagtayuan ang aking balahibo. Halos mapamura narin ako sa gulat, naroon sa ilalim ng mattress ang thermometer. Napahinto lang ako sa pwesto ko ng ilang segundo, gulong gulo ako kung paano nangyari iyon. Kinuha ko ito, at nakilalang yung na nga ang nawawalang thermometer. Umupo muli si Dice sa tabi ni RJ, humigpit ang hawak nito sa kamay niya. Bumalik ako sa table ko, pilit kong iniisip kung paano nakarating doon ang thermometer. May nangloloko kaya samin?, imposible dahil ako lang ang nasa kwarto bago dumating si Dice, at ginamit ko ang thermometer isang oras bago ito nawala. Sabi ko "Dice, hindi ikaw naglagay nito?" Inisip ko na marahil ay ginu-goodtime lang ako ni Dice, pero imposible rin dahil kelangan niyang iangat ang mattress para maabot mo ang gitang bahagi nito, na kahit ako ngang lalaki ay hirap na hirap iangat ito gamit ang dalawa kong kamay. Sagot ni Dice "Hindi kuya" at takot na takot ito. Para hindi matakot pa muli si Dice ay tumawa nalang ako at umiling na nagkukunwaring bale wala ito. Nakatingin lamang si Dice sa akin, at ako'y nagkunwaring subsob sa pagbabasa ng chart at kunwaring may sinusulat. Nakalipas ang ilang minuto ay lumabas narin si Dice.

Kinabukasan, nakita ko muli si Dice, wala siyang binanggit tungkol sa insidente. Hindi ko narin ito binaggit hanggang sa ma-transfer sa Surgical Ward si RJ.

Makalipas ang ilang buwan ay nagkaroon ako ng Trainee, Isang lalaking Clinical Instructor(CI) mula sa isang College. Ka batch ko siya nung highschool pa kami, pero magkaiba kami ng Institution na kinunan ng Nursing. Inaaral nya ang routine ng ICU para magabayan ng mahusay ang kanyang mga estudyante sa loob ng ICU.

Marami kaming napagkwentuhan,Tumawa na lamang ako at napansin kong oras na pala ng pagkuha ng Vital Signs. Nahalata nya ang gagawin ko sabay sabi "Ako na Sir!!" ang ganti ko naman "Nako wag na, nakakahiya". Pero lumapit na siya sa pasyente at kinuha ang Vital Signs, wala na akong nagawa kundi panuorin siya at kumamot ng ulo. Maya maya napansin kong tila may hinahanap ito, hinayaan ko lang. Pagkalipas ng ilang minuto ay sinabi nyang nawawala ang thermometer. Tinulungan ko ito sa paghahanap, pabalik balik kami sa mga pwestong puwedeng napagpatungan nito. Maya maya'y sumuko na kaming pareho at inilabas na lamang niya ang baon nyang thermometer at ginamit ito sa pasyente. Doon ko naisip na silipin ang ilalim ng kama, nung napansin kong wala ito rito ay tumawa ako ng malakas na ikinagulat ng kasama ko. Tanong niya "Bakit Sir? nakita mo na?". Sabi ko "Hindi, pero ganito talaga dito may nangunguha ng gamit". Bakas sa mukha niya ang pagkagulo ng isip, lumingon siya sa table at nakita ang thermometer na kitang kitang nakapatong doon. Sabi nya "Sir, eto pala nakapatong oh, pero hinalungkat ko narin ito kanina ah". Nagulat ako sa sinabi niya at sabi "Eh ilang beses tayong pabalik balik diyan diba? imposible namang di natin nakita pareho."
Nagtayuan muli ang balahibo ko at tinanong ko siya "Sir, wala nga sa biro, hindi ikaw naglagay diyan?" Sagot naman niya "Sir, Hindi talaga ako". Napangiti nalang akong tumingin sa kanya, nakatayo parin ang aking mga balahibo habang ikinuwento ang nakaraang pangyayari sa kanya.

Wednesday, April 3, 2013

Hagdan


Ang istoryang ito ay doon parin sa TDH (Taytay District Hospital) naganap.

Duty ako ng night shift nung nangyari to. Ako ang assigned na nurse sa Emergency Room. Nagsimula ang duty ng simple, pagkatapos ma-endorse sakin ang equipments at lahat ng special endorsements ay wala paring dumarating na pasyente. Nainip ako kayat ako ay nagpaalam na pupuntahan lang saglit ang patient na naadmit sa isolation room hindi kalayuan sa ER upang kamustahin ito dahil sakin din ito na-admit noon.


Pumayag ang kasama ko na si Tintin at kampante ako na lisan saglit ang aking post dahil maririnig ko naman ang ingay ng mga sasakyan pag may dumarating at tanaw ang pinto ng minor examination room na pinaglalagyan ng mga critical n pasyente. Dinalaw ko ang pasyente at kinamusta and lagay. Interesado kasi ako sa kaso ng pasyente dahil itoy unusual or kakaiba, tinitignan ko kung bumubuti ba ang lagay nya, kinausap saglit, nagpaalam at umalis din agad.

Naisipan ko na bumalik, at noong malapit na ako sa ER ay nakita ko si Tintin na paakyat sa taas papuntang Nurses Station. Tinawag ko ito at sumigaw ng "TIN!!!", tila hindi ako narinig at dumiretso ito at umakyat. Tatanungin ko sana kung sinong tatao sa ER kasi aakyat siya. Tumakbo ako sa hallway at nakarating sa paanana ng hagdan. Sinilip ko ang hagdan pataas (ang hagdan na yun ay mahaba at diretso, yung tipong 3 beses ka lng magpa akyat baba ay gusto mo nang umuwi) ngunit hindi ko siya naabutan. Sa gilid din kasi ng hagdan ay nandun ang x-ray room at may Comfort Room sa Tabi, naisip ko maaaring nag CR lang ito. Hindi ko na siya inantay at bumalik na ako sa ER at baka may dumating na pasyente.

Pagdating ko ng ER ay wala paring katao tao, walang paring dumarating na pasyente. Pagpasok palang ng pinto ay di nako mapakali. Tila ang pakiramdam ko ay may nakatingin sakin at sa bawat galaw ko'y mayroong nagmamasid. Napakarami nang kwentong kakatakutan ang kumakalat sa ospital lalo na sa Emergency Room. May mga kwento ng sumisigaw na babae, tumatakbong bata at biglang mawawala, umiiyak ng mga sanggol at iba pang pangkaraniwang nakakatakot na experience. Noong malapit na ako sa examination table ay may napansin akong madilim na figure or silhouette sa gilid ng mata ko.*madilim kasi at pinapatay ang ilaw sa parteng yun pag night shift upang makatipid* Bumilis ang tibok ng puso ko napahinto ako tila ito ay nakatindig at hindi gumagalaw, parang nakayuko ang ulo nito pero hindi ko makumpirma dahil sa takot lumingon. Humanda na tumakbo dahil walang ibang dapat na tao dun dahil si Tintin ay nasa CR o kaya ay sa nurses station. Hindi ko alam kung anong pumasok sa kokote ko at dahan dahan kong nilingon ito. Pakiramdam ko ay habang palingon ako nasa isip ko na mabilis na lilipad ito papunta sakin at ako'y kakagatin o sapian. Pero di ko inaasahan ng biglang itong sumigaw ng pagtining na boses na nakakabingi at nakakangilo, muntik nako mapasigaw at mapa mura at medyo napatalon sa gulat. Laking taka ko nung tumawa siya at pumunta na sa liwanag, si Tintin pala ito.

Sabi ko "PUTTT... bwisit ka ikaw lng pla yan, wag ganun!!". Hindi parin lubusan nawala inis ko at nagtanong "Ambilis mo naman, san ka dumaan?".

Sagot naman ni tintin "ha?" gamit ang tonong takang taka.

Nilinaw ko "Diba umakyat ka kanina? tinawag pa nga kita. Pano ka nakabalik agad? may daan ba paikot galing dun?"

sagot nya "Weh? walang daan papunta dito maliban dun, tsaka anong gagawin ko dun? Suuuss.. di ka makakaganti! di moko matatakot". Ilang ulit ko sinabi sa kanya na totoo yun, pero ayaw nya parin maniwala at nung nakita nyang hindi nako tumatawa at nagtatayuan na balahibo ko dun na sya kumapit sa braso ko.

Hindi maalis sa akin isipan ang imahe na aking nakita, napakalinaw nito, hindi ako makapaniwala na guni guni ko lang iyon. Pagkatapos noon ay nagtanong tanong kami sa matatagal na staff doon. May nakapagsabi na ang hagdan nga ang isa sa pinakamadalas na pagkakitaan ng multo at iba pa.


Pagkatapos nun binubuksan na namin ang ilaw ng ER tuwing night shift.